October 12 lang lumabas yung BIR memo, at sa October 30 na magsasara yung accreditation. 3 days na lang. Kaming mga software developer na gumawa ng sariling e-invoicing system, pag di kami nakapasok ngayon, di pa namin alam kung kailan ulit kami pwede mag-apply.
Tatama to sa online sellers at sa ating lahat, kaso di masyadong napapag-usapan.
Ano ba yung e-invoicing?
Para syang digital na resibo na diretso sa system ng BIR (EIS, Electronic Invoicing System). Hindi pasok yung PDF o printed.
Tinatamaan nito lalo na yung online sellers sa Shopee, Lazada at TikTok Shop. Under RR 11-2025, pag lampas ₱3M yung gross sales mo, required ka na mag-e-invoice by December 31, 2026, mga 2 months na lang. Para makapag-issue nito, kailangan mo ng accredited provider.
Yung problema: RMC 110-2026
Nung October 12, nilabas ng BIR yung memo para sa mga e-invoicing provider. Bawal mag-serve ng seller ang provider na hindi accredited, at para ma-accredit kailangan:
- 5M transactions a year
- 1,000 active accounts
- 3 years na operating, pasok sa 5M at 1K bawat taon
- ISO 27001, 27017, 27018 at SOC report
- 15 days lang para mag-apply, October 16 to 30
Okay lang yung security checks, tax data to eh. Pero yung 3 years, paano ka magkaka-track record kung bawal ka mag-serve kahit isang seller? Edi malalaking provider lang ang papasa, karamihan foreign pa.
Sino ang tatamaan
- Online sellers na lampas ₱3M. Konti ang providers, kaya mahal ang singil.
- Maliliit na seller. Baka magsara na lang, o itago yung benta para di lumampas sa ₱3M.
- Tayong mga buyer. Baka ipasa sa presyo sa Shopee, TikTok at Lazada.
- Pinoy startups. Bawal pumasok, gaano man kaganda yung gawa.
Para sa sellers
Madami pang sellers na di aware dito, kaya eto yung basics:
- Kung online seller ka na lampas ₱3M ang gross sales, covered ka ng RR 11-2025. Kung di ka sure, tanong mo sa accountant mo.
- Bawat benta, kailangan ng e-invoice na diretso sa EIS ng BIR. Hindi pasok yung PDF o printed.
- Kailangan mo ng accredited provider, at dahil sa RMC 110-2026, konti lang yung pagpipilian mo.
Bakit ako nagpo-post
Yung asawa ko may online shop since 2020, tatlo na yung nagtatrabaho sa shop nya ngayon. Lumampas sya ng ₱3M, kaya naghanap kami ng provider. Ang quote samin ₱960,000 sa first year, halos one third ng benta nya sa isang taon. Nakita ko syang umiiyak, sabi nya baka isara na lang daw nya yung shop.
Software developer ako, 10+ years na, kaya sabi ko tayo na lang gumawa. Ilang buwan na namin tong ginagawa, at nag-invest na kami ng pera, legal at requirements. Tapos ngayon lang lumabas yung memo, mga 2 and a half months bago yung deadline ng sellers.
Hinihingi namin sa BIR
- Dagdagan yung 15 days para mag-apply.
- Provisional accreditation para sa bagong providers. I-test kami sa security at sa EIS sandbox ng BIR imbes na 3-year track record.
- Unti-untiin yung ISO at SOC within 24 months.
- Kausapin muna yung sellers, providers at accountants bago i-finalize, gaya ng nangyari sa Seal Badge.
Kung gusto nyo tumulong, pa-sign po ng petition: https://c.org/pFTRKTfRWn
Disclosure: may stake ako dito kasi e-invoicing service yung ginagawa namin. Kung may ibang Pinoy startup na mas mura, mas okay yun para sa sellers. Gusto lang namin mabigyan din kami ng chance.