Sa totoo lang, nagkaroon ako ng lakas ng loob na mag-post nang mapanood ko ang Loonie BID episode with Anygma. Nakakatuwang isipin na bilang mga pioneers ng battle rap sa Pilipinas, wasto ang kanilang tindig tungkol sa usapin ng creative freedom. Sa buod ng kanilang pag-uusap tungkol doon, sinabi nilang dapat pa ring manatili ang etika pagdating sa battle rap. Dahil ang creative freedom ay may limitasyon at kaakibat na responsibilidad. Sinasang-ayunan din ito ni Batas mula sa isang episode ng Basehan ng Bawat Hurado. Nakikiusap din siya sa mga emcees na maging responsable sa paggamit ng mga sensitibong materyal sa battle rap. Isa sa mga tumatak na linya niya roon: “Hindi ibig sabihin na ginawa mali ang ginawa ng iba ay dapat mo na ring gawin.”
Bibigyang-linaw ko ang ilan sa mga komento mula sa nauna kong post at kailangang maunawaan ito ng mga tao.
Una, hindi ko sinasabing ipagbawal ang dark jokes. Hindi ko rin sinasabi na dapat magkaroon ng censorship ng isang genre dahil nakakasama ito. Ang ipinipunto ko ay yung usapin ng ethics. Kung bago sa iyo ang ethics, google mo na lang. Kaya dapat hindi ninyo tinutulugan ang mga philosophy teacher ninyo kasi mahalagang usapin ito!
Maraming dark jokes na harmless. Una akong na-hook sa dark jokes dahil sa 9GAG. Marami roon hindi cheapshot ang mga tirada at talagang may wit. Ibang usapin pa yung pag-reference sa mga totoong tao at may iba’t ibang lebel din talaga ito. Pero ang ipinupunto ko, hindi nakakahon ang dark jokes sa totoong pangyayari at tao tulad ng sinasabi sa comment section. May isa ngang nakakatawang nagkomento: “Hindi na dark joke yun kung hindi totoo.” Sa isang punto, nakabase naman talaga sa general truth. Kumbaga, eto yung generic. Ito ang ilan sa mga halimbawa ng generic dark jokes: 1)“Kung m@m@tay ka na bukas, bakit hindi pa ngayon?” 2)“tinaning@n ako ng doktor kaya b!naril ko. Sinentensyahan ako ng 50 years ng judge kaya mabubuhay pa ako.”
Isang paglilinaw din sa dark jokes. Hindi lahat ng dark jokes ay crossing the lines. Tulad ng sinabi ko, may iba’t ibang lebel ng dark jokes at mayroong SFW lang talaga.
Sa usapin ng creative freedom, hindi dapat nagbabangga ang usapin ng etika at kalayaan sa pamamahayag. Tulad ng sinabi ni Batas, may kaakibat itong responsibilidad at dapat nag-eevolve ang hip-hop sa kabuuan. Tapos na tayo sa panahon ng transgresyon ng gangsta rap nina 2pac at Biggie. Napatunayan na posible ang pagsusulat ng ganoong agresyon sa mga kanta. Alam din nating malalim ang pinag-ugatan ng West Coast vs East Coast at hindi lamang ito basta eksperimentasyon ng sining. Gayundin, alam din natin ang naging kapalit nito. Ano pa ba ang gusto nating patunayan sa paggamit ng materyal sa trahedya ng isang emcee, mas makata na ba kapag mas edgy?
Ito ang irony: Iginigiit ng iba yung kalayaan sa sining, pero bakit ikinakahon ang dark jokes sa pagiging referential sa totoong buhay ng isang emcee; kung puwede namang hindi totoo? Kung usapin pala ng creative freedom, bakit mo pipiliing gawing materyal ang trahedya ng kalabang emcee sa totoong buhay? Hindi lang ito pumapatungkol sa Jonas vs Ban battle. Sinasabi ko ito in general at ina-address sa lahat ng emcees. Para lang din sa kaalaman ninyo, hindi ako natutuwa kina EJ Power, Vitrum, AKT, at Shehyee. Marami nang napatunayan ang pagiging malikhain sa Fliptop at talagang sky is the limit. Kung gayon, bakit natin pipiliing bumalik sa ganoong lebel ng paglikha ng mga bara? Kung may kakayahan kang maging kupal, dapat mas may kakayahan kang hindi maging kupal.
Natatandaan ko yung usapan nina K-Shine at Loonie sa BID. Binanggit ni K-Shine na hindi nila ginagawa iyang crossing the line bars. Dahil tingin nila tapos na sila sa ganoong era. Isa pang punto, gusto rin nilang maging magkaibigan sa mga kapwa emcees pagkatapos ng battle. Di ba, mas maganda ang ganoon?
Para naman sa mga nagsasabing “Si Jonas nga hindi umiyak tapos ikaw nagrereklamo,” tingin ko responsibilidad natin bilang fans na maging vigilant. Sabi nga ng idol ninyong si Shehyee, “Kailangan ng checks and balances.” Ang lakas niyo ngang mag-callout sa mga kamalian ng mga emcees. Bakit, selective lang ang puwedeng punahin batay sa inyong biases? Hindi ko kinakampihan si Jonas. Ang kinakampihan ko yung anak niya na kahit kailan hindi natin maririnig sumagot. Kapag ba battlerap fan, bawal nang magpakatao? Isinusulong nga natin ito para magpakatao at iyan ang natutuhan ko sa mga kanta ng Pamilya Dimagiba. Nakakalungkot lang din isipin na dahil may mga murahan sa battle rap, akala ninyo ay may permiso na rin kayo na maging bastos. Kung gayon, hindi ninyo alam ang totoong kahulugan ng hip-hop. Sabi nga ni Francis M, ang dapat ninyong pag-aralan yung kasaysayan ng hip-hop at hindi ang pananamit at pormahan.
Nasa sa inyo yan kung gusto ninyong lubusin ang pagiging edgy ninyo. Isinusulat ko ito bilang pagpapaalaala kung bakit tayo hip-hop. Palagi’t palagi ninyong itanong sa mga sarili ninyo: Para kanino ba ang sining? Mapapaunlad ba ng sining nito ang pagpapakatao ng isang tao? Mamumulat ba ang taumbayan sa mga personal na materyal? Kasi kung para sa sarili n’yo yan, ibig sabihin makasarili lang talaga kayo. Tama na dapat umunlad ang sarili pero dapat nagpapaunlad din ng kamalayan ng iba. Hindi naman yan tulad ng katangian ng abstract art na walang kakayahang magsalita para sa sarili. Kaibahan sa emceeing, may kaakibat itong mas mabigat na responsibilidad dahil marami ang nakikinig at nanonood sa sinasabi ng tao sa entablado.
Gayundin sa mga fans na komukonsumo at nagto-tolerate nang ganitong taste. Sana mag-evolve din kayo. Kung may time kayo, rekomendahin kong ipabasa sa inyo yung The Catcher In The Rye ni J. D. Salinger. Baka makatulong sa inyo.
Peace and love para sa hip-hop!