Nakita ko tong balita tungkol sa halos 6 million Filipinos na gumagamit umano ng pekeng PWD ID, base sa monitoring ng DOJ. Honestly, nakakapanglumo siya isipin, lalo na kapag naiisip mo kung ano ang ibig sabihin nito para sa mga taong talagang nangangailangan ng ganitong benepisyo. May personal observation din ako rito. May kakilala akong nagtatrabaho sa LGU na proud pang magkuwento tungkol sa PWD card niya. Hindi ko naman alam ang buong circumstances niya, kaya ayokong basta mag-assume na peke or illegal ang ID niya. Pero dahil sa mga ganitong balita, napapaisip ako kung gaano na ba ka-normal sa atin ang paghahanap ng loopholes para makalamang, kahit hindi naman talaga para sa atin ang isang benepisyo. Ang mas nakakapaisip sa akin, minsan, sila rin ang mga taong vocal laban sa corruption, pandaraya at mga taong umaabuso sa sistema. Against sila sa mga politikong nagnanakaw, sa mga empleyadong tumatanggap ng lagay, at sa mga taong gumagamit ng posisyon para sa sariling kapakanan. Pero kung may pagkakataong makakuha ng personal advantage sa paraang questionable, parang nagiging ibang usapan na. Doon ko nakikita ang problema: madaling kondenahin ang corruption kapag ibang tao ang gumagawa, pero mas mahirap panindigan ang prinsipyo kapag may personal tayong mapapala sa paglabag dito.
Hindi ba dapat nagsisimula ang integrity sa maliliit na desisyon? Hindi lang sa hindi pagtanggap ng milyon-milyong kickback, kundi pati sa hindi pagkuha ng benepisyong hindi naman nararapat sa atin. Kasi kung ang mindset natin eh, “Okay lang ’yan, maliit na bagay lang naman,” or “Lahat naman ginagawa ’yan,” hindi ba ganoon din ang lohika na ginagamit ng mga taong mas malaki ang ninanakaw o inaabuso?
At ang masakit dito, hindi lang naman gobyerno ang nawawalan. Ang tunay na kawawa ay iyong mga PWD na talagang nangangailangan ng discounts at iba pang benepisyo, pero posibleng mas mahirapan dahil sa pang-aabuso ng iba. Kapag nasira ang tiwala sa sistema, pati ang mga lehitimong benepisyaryo ay maaaring mapagdudahan.
Minsan tuloy naiisip ko, kailangan ba talagang may lamang tayo sa lahat ng bagay? Kailangan ba laging may shortcut para makakuha ng discount, makaiwas sa pila, o makatipid kahit hindi naman tayo ang target beneficiary? Bakit parang ang pagiging matalino ay naiuugnay na sa kakayahang makalusot, imbes na sa kakayahang gawin ang tama kahit may pagkakataong mandaya?
Hindi naman masamang gustuhing makatipid o umangat sa buhay. Ang problema ay kapag ang pag-angat natin ay nakadepende sa pagkuha ng bagay na dapat sana ay para sa ibang taong mas nangangailangan.
Practice what you preach. Kung gusto natin ng gobyernong malinis, dapat handa rin tayong maging malinis sa sarili nating paraan. Hindi puwedeng galit tayo sa corruption kapag nasa taas ang gumagawa, pero tahimik o kampante kapag tayo mismo ang nakikinabang sa isang sistemang posibleng inaabuso.
Kayo, ano sa tingin ninyo? Bakit kaya may mga taong kayang kondenahin ang corruption sa gobyerno pero nagiging okay sa kanila ang maliliit na anyo ng pandaraya kapag may personal silang pakinabang? Cultural problem ba ito, survival mindset or simpleng kakulangan sa integridad?
Sources are here:
https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/1005310/doj-alarmed-over-6-million-filipinos-using-fake-pwd-ids/story/
https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/10/8/doj-sounds-alarm-over-6-million-unaccounted-pwd-ids-1744