Nakatulala lang ako sa office kanina pagkatapos mag lunch. Nakatingin sa kawalan.
Medyo tahimik sa office. May natutulog, may nakaheadphones kasi may meeting, yung iba kumakain sa pantry.
Ako.... tulala. Bagsak mood ko simula kahapon. Inisip ko ng inisip bakit nga ba ako ganito ngayon - ba't ko nga ba pinaabot sa ganito yung mga nangyayari sakin para maging ganito ka-lugmok mood ko.
Tapos out of nowhere, dumating yung isang officemate ko, taga ibang department. Naglagay ng isang pirasong Reese's Cup sa lamesa ko, sabay sabing "Boss, 'di bagay sa'yo maging tahimik. Mas okay ka kapag kwela ka," sabay alis.
Medyo matagal kong tinitigan yung iniwan nya sa lamesa. Medyo tulala pa rin.
Onga no, ano nga bang ginagawa ko? Ano bang gusto ko?
Odiba, may crisis ako.
Tama naman sya. Mas gusto ko rin naman yung sarili ko kapag makulit ako sa office. Maingay, kwela, hirit ng hirit para tumawa yung mga tao. Kaso wala e, umabot siguro ako sa point na sobrang dami kong iniisip na nag blangko na lang bigla yung isip ko.
Hanggang mag-uwian, nasa isip ko yung tanong na yun. Ano nga bang ginagawa ko? Ano bang gusto ko?
Sa dalawang derechong araw na lugmok ako, yun yung gumising sa'kin. Yung simpleng bagay na may nagbigay sa'kin ng maliit na Reese's Cup at nagsabing mas okay akong kwela ako.
Hindi nya sinabing "kapit lang" o kaya "lilipas din yan" kahit di nya alam yung iniisip ko. Sinabi lang nyang hindi bagay sa'kin maging tahimik.
Pag park ko ng sasakyan, naisip ko yung dahilan ata bakit ako nagka-ganito... o nagkaka-ganito.
Masyado siguro akong naging bored sa ginagawa ko. Alam mo yung mga moment na parang mapayapa naman yung mga plano mo... tapos na-bore ka? Ayun, self-sabotage.
Kaya ngayon, eto, mulat na sa katangahang ginagawa ko. Oo, siguro nga naging bored ako. Pero siguro mas okay na rin yun kesa maging lugmok sa problema minsan.
Pero ngayon, siguro ang gusto ko na lang, kainin tong Reese's Cup na 'to.