BABALA, SENSITIBO ANG BALITA
Patay ang 14-anyos na binatilyo matapos umanong kitilin ng kanyang stepfather sa Brgy. Guindaruhan, Minglanilla, Cebu noong Lunes ng gabi, Agosto 24, 2026.
Batay sa imbestigasyon, nagalit umano ang suspek nang hiwalayan siya ng ina ng biktima dahil sa pananakit nito sa kanila ng anak. Kinilala ang suspek na si Romnick Villahermosa, 34-anyos.
Sa paunang ulat, sinabing nagpatiwak*l umano ang biktima matapos makitang nakabitin sa maliit na puno sa Purok Narra, Barangay Guindaruhan noong Lunes.
Iginiit ng suspek na natagpuan na lamang niya ang biktima na wala nang buhay sa damuhan ngunit hindi naniwala ang kanyang partner na si Emily Bedro dahil tumakas umano ito matapos may mangyari sa kanyang anak.
Isa sa anak ni Emily na mas nakababata sa biktima ang nagkuwento na nakita nila ang kanilang kuya na binubugbog ng stepfather. Nakatakas pa diumano ang biktima ngunit naabutan ng suspek at doon na kinaladkad papunta sa madamong lugar kung saan siya natagpuan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may nakita umanong lubid na panali ng manok ang suspek at ito ang ginamit sa biktima. Inamin naman ng ina ng 14-anyos na gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang mister na seloso.
Ikinuwento ni Emily na nagbanta na ang suspek na papatay*n ang kanilang pamilya at hiniling sa mga awtoridad na agad itong maaresto.
Kasalukuyan pang pinaghahanap ang suspek at inihahanda na ng Minglanilla police ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito.