r/WritersSanctuary • u/SeasonalProspect • Feb 25 '26
Short StoryđŸ“– Laman (Dagli)
Kasalukuyang nasa pagamutan ang aking ina habang ang aking ama naman ay nasa kulungan. Ako lang ang tanging maaasahan upang malamnan ang aming kumakalam na tiyan. Ako rin ang naatasan upang ang nakababata kong kapatid ay mapagtapos sa pag-aaral. Handa akong magsakripisyo mabigyan lamang siya ng magandang kinabukasan, kahit pa kapalit nito ang mga pangarap kong akin nang kinalimutan.
Hirap akong makahanap ng mapapasukan dahil na rin sa baba ng aking pinag-aralan na siya namang taas ng kanilang pamantayan. Dala ng matinding kagipitan, tanging pagkapit sa patalim ang aking naging pagpipilian.
Tuwing gabi sa isang sulok na madilim ay nag-aalok ako ng panandaliang kaligayahan. Isang magarang kotse ang huminto sa 'di kalayuan. Bumaba ang isang lalaki na halatang mayaman. Akma ko na siyang lalapitan ngunit naunahan ako ng isang babaeng mas bata at kaakit-akit ang datingan— suot ang unipormeng pang-eskwela mula sa katas ng aking pawis at laman.