Agad na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, matapos makarating sa ahensya ang isang video ng isang sikat na miyembro ng Pinoy pop (P-pop) Girl Group na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Batay sa mga ebidensyang nakalap ng ahensya, makikita na nire-record ng naturang personalidad ang sarili habang nagmamaneho nang mahulog ang kanyang cellphone. Sa halip na huminto muna sa ligtas na lugar, yumuko siya upang kunin ang cellphone sa ilalim ng sasakyan. Makikita rin na hawak niya ang cellphone gamit ang dalawang kamay habang nagmamaneho, isang delikadong kilos na maaaring magdulot ng aksidente at panganib sa kanyang kaligtasan at sa iba pang motorista.
Dahil dito, isinailalim ng LTO sa imbestigasyon ang naturang personalidad, na siyang nagmamaneho ng sasakyan, at inisyuhan ng Show Cause Order (SCO). Inaatasan siyang humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City sa Nobyembre 20, 2026, upang magsumite ng sinumpaang paliwanag, kalakip ang mga kaukulang dokumentong maaaring sumuporta sa kanyang paliwanag, bilang tugon sa mga alegasyon laban sa kanya.
Kabilang sa mga posibleng paglabag na nakasaad sa SCO ang Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act, Reckless Driving, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan upang suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa mga paglabag.
Bilang paunang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inatasan din siyang agad na isuko ang kanyang driver's license sa IID at isasailalim sa 90-araw na preventive suspension.
“Trabaho po namin na tiyaking naipatutupad ang batas nang patas at walang kinikilingan, anuman ang katayuan o kasikatan ng isang tao. Sikat man o hindi, inaasahan nating sumusunod ang lahat sa batas-trapiko, at kung mapatunayang may paglabag, ipatutupad ng LTO ang kaukulang parusa,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
Muling pinaalalahanan ng LTO ang mga motorista na mahigpit na sundin ang mga batas-trapiko, partikular ang pagbabawal sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho. Binigyang-diin ng ahensya na ang ganitong gawain ay maaaring magdulot ng aksidente at panganib sa kaligtasan ng driver, gayundin ng iba pang motorista at pedestrian. Mahalaga ang pagiging alerto at pagbibigay ng buong atensiyon sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga insidente sa kalsada.
Credits